Abstract:
Ang agimat at anting-anting ay magkaiba. Ang agimat ay mula sa kalikasan habang ang anting-anting ay likhang tao. Ngunit, sa pag-aaral na ito sisiyasatin ang panibagong konsepto na halamang anting-anting, ang pinagsamang agimat at anting-anting. Sa bayan ng Morong, Rizal matatagpuan ang mga taong gumagamit ng halamang Sinukuan bilang isang halamang anting-anting. Nilalayon ng papel na ito alamin kung anu-ano ang mga salik na bumubuo sa tradisyon ng Sinukuan bilang halamang anting-anting. Gumawa ng bagong konseptong halamang anting-anting para sa mas ispesipikong pag-aaral, at titignan ang paraan ng paggamit ng Sinukuan bilang halamang anting-anting. Sisiyasatin ang mga salik na nagpapatakbo sa tradisyon at susuriin ang kahalagahan ng tradisyon sa mga gumagamit nito. Ang buong pananaliksik ay may krus sa gitna sapagkat paghahambing ito ng Sinukuan na may krus sa gitna tuwing ito ay nahahati.
Sa pamamamagitan ng pakikipanayam sa mga gumagamit ng Sinukuan nakakalap ng datos para sa pag-aaral na ito. Inayos ito batay sa relihiyon ng mga nakapanayam upang mahiwalay ang relihiyon sa ispiritwalidad at malaman kung nakakaapekto ba ito sa tradisyon. Kumausap din ng mga eksperto upang makita ang punto de bista ng mga iskolar, at upang humingi ng payo ukol sa aspektong agham ng pag-aaral.
Matapos ang pagkakalap ng datos, aayusin ito batay sa Batayang Materyal, Batayang Ispiritwal, at tagapagdaloy ng tradisyon o ang gumagamit ng Sinukuan. Ayon sa pagsusuri, ang batayang materyal ng pag-aaral ay nakasentro sa pulang tela at sa santong kahoy na matatagpuan sa banal na lugar. Ito ang dalawang bagay na kung pagsasamahin ay makakabuo ng halamang anting-anting, ngunit ito ay walang buhay kung wala itong ispiritwal na batayan. Sa ispiritwal na batayan nakita na ang pagdarasal mula sa relihiyon at ang pananalig ng isang tao ang mga salik na makakapagbigay buhay sa isang paniniwala. Kapag ang paniniwala at ang halamang anting-anting ay ipinagsama, nabubuo ito bilang isang tradisyon na ipinagpapatuloy ng tagapagdaloy, o ng tao. Ang tao ang siyang magpapatuloy ng tradisyon kung ito ba ay ipapasa sa susunod na henerasyon para manatiling buhay ang tradisyon. Mapagtatanto na marapat ang tagapagdaloy ay 1) nasa tamang edad para maintindihan ang mga paniniwala, 2) laging dala-dala o suot, 3) Mula sa naunang henerasyon ang hawak, 4) nanirahan sa Rizal, 5) naniniwala sa bisa nito, at 6) nais ipasa sa susunod na henerasyon. Dagdag pa rito, nais naman nilang gamitin ang Sinukuan dahil 1) walang masama sa paniniwala nito, 2) nakasanayan na. Mahalaga ang Sinukuan para sa kanila dahil nagdadala ito ng garantisadong kaligtasan para sa kanila.
Bilang konklusyon, nasuri ang mga salik ng tradisyon ayon sa dalawang batayan: dasal at pananalig sa Batayang Ispiritwal, pulang tela at santong kahoy bilang Batayang Materyal, at ang tao bilang Tagapagdaloy ng tradisyon. Mahihinuha rin na ang tradisyon ng Sinukuan bilang halamang anting-anting ay nakakapagdulot ng kabutihan sa gumagamit nito sapagkat hindi maaaring gumawa ng masama ang gumagamit dahil mawawalan ng bisa ang anting-anting na ito. Napagtanto rin na mahalaga ang salik na paniniwala at pananalig sa halamang anting-anting dahil ito ang makakapagbigay ng bisa at buhay rito.